--Ads--

Matapos ang tatlong araw ng tuloy-tuloy na search and retrieval operations, matagumpay na narekober ng mga otoridad ang ikalima at huling biktima ng aksidenteng kinasangkutan ng isang sasakyan sa Gawa, Barangay Tocucan, Bontoc, Mountain Province.

Noong Oktubre 27, 2025, isang malagim na aksidente sa kalsada ang naganap sa Bontoc-Tabuk-Enrile Road, partikular sa Gawa, Barangay Tocucan.

Kinasangkutan nito ang isang asul na mini dump truck, isang Ford Fiera, at isa pang mini dump truck, na nagdulot ng pagkamatay ng limang katao, kabilang si Edmond Romeo, ang huling natagpuang biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Peter Apangcay, Information Officer ng Mountain Province Police Provincial Office, sinabi niya na batay sa ipinaabot na impormasyon ng Incident Command Post (ICP) sa Bontoc Emergency Operations Center (EOC), natagpuan ang bangkay ng biktima bandang alas-4:38 ng hapon.

--Ads--

Hinila ng mga rescuers at volunteers ang lumubog na sasakyan gamit ang lubid hanggang mapansin ang katawan ng biktima sa ilalim.

Noong alas-5:02 ng hapon, tuluyang naiahon ang katawan ng biktima at isinagawa ang post-mortem examination ng Municipal Health Officer na nagpatunay na natapos na ang matagal na paghahanap.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng mga biktima habang isinasagawa ang imbestigasyon sa sanhi ng nasabing aksidente.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Bontoc Mayor Franklin Odsey, na kasalukuyang Chairperson ng MDRRMC, sa lahat ng rumesponde at volunteers na nagbigay ng tulong sa buong operasyon, at binigyang-diin ang diwa ng bayanihan na namayani sa insidente.

Tinalakay din sa isinagawang pulong ng MDRRMC ang mga isyu at hamon na naranasan sa operasyon, na magiging batayan sa pagpapalakas ng koordinasyon, kahandaan, at mga mekanismo ng pagtugon sa mga darating na emergency.