--Ads--

Inalis ni King Charles III ang natitirang mga titulo ni Prince Andrew at pinaalis ito mula sa kanyang tirahan sa Royal Lodge, matapos ang ilang linggong panawagan na kumilos tungkol sa koneksyon ng prinsipe sa seksuwal na kriminal na si Jeffrey Epstein.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, kinumpirma ng Buckingham Palace na sinimulan ng Hari ang pormal na proseso upang bawiin ang lahat ng karapatan, titulo, at parangal kay Prince Andrew.

Dahil sa desisyong ito makikilala na lamang siya bilang Andrew Mountbatten Windsor at hindi na bilang prinsipe.

Aalis din siya mula sa Royal Lodge at lilipat sa isang pribadong tirahan.

--Ads--

Halos walang kapareha sa kasaysayan ng Britanya ang ganitong hakbang sapagkat huling nangyari ito noong 1919 nang alisin kay Prince Ernest Augustus ang kanyang titulo bilang prinsipe ng Britanya matapos pumabor sa Alemanya noong Unang Digmaang Pandaigdig.

Lalong lumakas ang panawagan na paalisin si Andrew sa Royal Lodge matapos niyang isuko ang paggamit sa kanyang titulo bilang Duke of York ngayong buwan, kasunod ng mga bagong rebelasyon hinggil sa kanyang pagkakaibigan kay Epstein at mga panibagong akusasyon ng pang-aabusong seksuwal mula kay Virginia Roberts Giuffre — isa sa mga biktima ni Epstein.

Ayon sa palasyo, napilitan ang hari na gumawa ng mas mabigat na hakbang dahil sa mga lapses of judgement nito.

Ang mga hakbang na ito ay itinuring na kinakailangan, sa kabila ng patuloy niyang pagtanggi sa mga paratang laban sa kanya.

Dagdag pa ng Buckingham Palace, pinapaabot ng hari ang kanilang taos-pusong pakikiramay at pakikiisa sa lahat ng biktima at nakaligtas sa anumang uri ng pang-aabuso.