--Ads--

Fully deployed na ang mga kapulisan ng Police Regional Office (PRO) 2 sa mga sementeryo at mga pangunahing kalsada sa Lambak ng Cagayan, isang araw bago ang paggunita ng Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng PRO 2, sinabi niya na maliban sa pagbabantay sa mga places of convergence ay mas pinaigting din ang kanilang pagpapatrolya at pagsasagawa ng Oplan Tambuli upang magbigay ng paalala sa mga indibidwal na bibisita sa kanilang mga yumao.

Mahigpit ding babantayan ng mga kapulisan sa mga crime incident na maaaring maitala ngayong Undas gaya na lamang ng akyat-bahay at iba pa.

Mayroon na rin silang coordination sa mga Local Government Units para sa traffic managements katuwang ang ibang mga law enforcement agencies upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Mallillin, batay sa kanilang talaan ay mataas ang bilang ng mga vehicular accidents sa Rehiyong Dos kaya target nila itong pababain ngayong Undas.

Sa ngayon ay wala pa aniya gaanong nagtutungo sa mga sementeryo subalit bukas ay inaasahan na ang dagsa ng mga bibisita sa kanilang mga yumanong mahal sa buhay.

Noong nakaraang taon ay naging mapayapa umano ang paggunit ng Undas sa Lambak ng Cagayan kaya target ng PRO 2 na mapanatili ito ngayong taon.

Samantala, Nakahanda na ang buong puwersa ng San Agustin Police Station para sa pagdagsa ng mga bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Gerardo Aggarao, ang Deputy Chief of Police for Operations, sinabi niya na mula Oktubre 29, 2025 ay naka-full alert na ang kanilang hanay.

Aniya, nakadeploy na ang halos 400 tauhan ng San Agustin PNP upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at ligtas na paggunita ng Undas.

Dagdag pa niya, may mga naitalagang Police Assistance Desk na siyang tutugon sa pangangailangan ng mga bibisita sa mga sementeryo.

Paalala niya sa mga bibisita na sumunod sa mga alituntunin at huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng mga pook himlayan gaya ng alak, baraha, malalakas na tugtog o speaker, patalim, at iba pang kontrabando.

Pinapayuhan din ang publiko na iwasan ang pagdadala ng malaking halaga ng pera, tiyaking nakandado ang bahay, at mailagay sa ligtas na lugar ang mga ari-arian bago umalis upang maiwasan ang anumang insidente ng pagnanakaw.

Tiniyak naman ng San Agustin Police Station na mananatiling nakahanda at alerto ang kanilang hanay para sa ligtas na Undas 2025.