Mananatiling naka-high alert ang Police Regional Office 2 hanggang Nobyembre 3, 2025, kasabay ng pagtatapos ng paggunita ng Undas.
Sa ngayon, walang anumang insidente ang naitala sa lalawigan ng Isabela at nananatiling mapayapa ang sitwasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na bago pa man ang Nobyembre 1, matagumpay na naitalaga ang mga PNP personnel, partikular sa malalaking pribado at pampublikong sementeryo.
Naging katuwang ng PNP ang ilang Force Multipliers mula sa mga barangay sa pagbabantay ng seguridad sa mga sementeryo.
Maliban sa mga sementeryo, mahigpit rin ang kanilang monitoring sa mga bus terminal, paliparan, parke, at malls na madalas puntahan ng mga tao sa panahong ito.
Sa katunayan, personal na pinangunahan ni Provincial Director Lee Allen Bauding ang inspeksyon sa bus terminal sa Cauayan City.
Tiniyak ng IPPO ang tuloy-tuloy na monitoring ng kanilang buong hanay at na-maximize ang manpower ng PNP para sa kanilang presensya ngayong Undas.
Muli, nagpaalala ang Pulisya na ipinagbabawal na ngayon ang pagdadala ng mga cleaning materials, partikular ang mga patalim gaya ng itak o kutsilyo, upang maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit bago ang Undas ay nakapagtalaga na ng mga araw para sa paglilinis.
Maliban sa mga bladed weapons, ipinagbabawal rin ang alak, malalakas na tugtugin, baraha, at iba pang kontrabando.











