--Ads--

Mahigit 20 container ng radioactive zinc ang na-stranded sa karagatan ng Pilipinas nang mahigit isang linggo, ayon sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI).

Ayon kay PNRI Director Carlo Arcilla, kailangang agad makahanap ng ligtas na “entombment” o pagtatapunan ng naturang mga container upang maiwasan ang posibleng panganib.

Natuklasan sa Indonesia na may bakas ng radioactive Caesium-137 ang 23 container, dahilan upang tanggihan at ibalik ang mga ito sa Pilipinas. Simula Oktubre 20, nakatengga ang mga container sa Manila Bay habang pinagdedebatehan pa ng mga awtoridad at kumpanya kung saan ito nagmula.

Sinabi ni Arcilla na hindi ito isang pambansang emerhensiya at kayang maresolba ang sitwasyon. Lumabas sa imbestigasyon na ang zinc dust ay galing umano sa Steel Asia at in-export ng Zannwann International Trading Corp., ngunit itinanggi ng Steel Asia ang pananagutan at sinabing “walang basehan” ang akusasyon.

--Ads--

Nagbabala naman ang Greenpeace Philippines na kahit mababang antas ng Caesium-137 ay may pangmatagalang panganib sa kalusugan at kapaligiran. Plano ng PNRI na pansamantalang itago ang mga container sa isang ligtas na lugar habang hinihintay ang pagtatayo ng pasilidad na lalagakan ng mga ito.