Mahigit 2.4 milyong Pilipino na ang dumalaw sa mga sementeryo at columbarium sa buong bansa para sa paggunita ng Undas 2025, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado.
Sa pinakahuling datos ng PNP hanggang alas-12 ng tanghali ng Nobyembre 1, umabot sa 2,210,070 katao ang pumasok sa mga sementeryo at 197,070 naman ang bumisita sa mga columbarium sa buong bansa.
Sa Lungsod ng Maynila pa lamang, naitala ang 1,360,951 bisita hanggang alas-6 ng gabi, ayon sa Manila Police District (MPD). Sa bilang na ito, 1,177,431 ang dumalaw sa Manila North Cemetery, 140,790 sa Manila South Cemetery, 37,100 sa La Loma Cemetery, 5,400 sa Chinese Cemetery, at 230 sa Paco Cemetery.
Nagpatupad ang PNP ng malawakang operasyon para sa seguridad at kaligtasan habang milyon-milyong Pilipino ang nagsimulang bumisita sa mga sementeryo at memorial park.
Sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025, nagtalaga ang PNP ng 93,839 personnel, kabilang ang 31,056 pulis, 20,134 tauhan mula sa ibang ahensya ng gobyerno, at 42,649 force multipliers.
Upang masiguro ang seguridad, naglagay ang PNP ng 5,018 Police Assistance Desks sa 4,901 sementeryo at 1,531 Motorists Assistance Centers sa mga pangunahing lansangan at transport terminals. Nagde-deploy din sila ng mga security team sa 70 paliparan, 682 bus terminal, 363 pantalan, at 78 istasyon ng tren.
Ayon kay Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng mga Pilipino sa paggunita ng Undas.
Sinabi ni Nartatez na buong puwersa ang kanilang deployment at hinimok niya ang publiko na makipagtulungan at gamitin ang Unified 911 para sa agarang tulong.
Samantala, nakapagsamsam ang PNP ng 2,722 ipinagbabawal na gamit sa mga gate ng sementeryo. Kabilang dito ang mga patalim, alak, gamit sa sugal, vape, at malalakas na sound system.
Patuloy ang pagdagsa ng mga bisita at inaasahang pinakamataas ang bilang ng mga tao mula tanghali hanggang maagang gabi.
Ayon sa PNP, nananatiling alerto ang kanilang mga tauhan habang nagpapatuloy ang anti-criminality at law enforcement operations, na nagresulta sa ilang arestuhan at pagkakakumpiska ng mga ilegal na droga, baril, at gamit sa sugal mula pa noong Oktubre 29.
Nanawagan si Nartatez sa publiko na maging alerto, mahinahon, at maunawain, at paalalang ingatan ang mga gamit, bantayan ang mga bata, at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Samantala, ipinaalala ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na maaaring tumawag sa 911 ang sinuman sakaling magkaroon ng emerhensiya.











