--Ads--

Nakapagtala ang BGD Command Center ng kabuuang anim (6) na vehicular accident sa lungsod ng Cauayan kasabay ng paggunita ng Undas noong Nobyembre 1 at 2, 2025. Karamihan sa mga insidente ay nag-ugat sa pagkawala ng kontrol ng mga nagmamaneho dahil sa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Unang naitala ang aksidente bandang 8:36 ng umaga sa tapat ng isang pribadong sementeryo, sa Brgy. San Fermin, kung saan nagbanggaan ang dalawang motorsiklo na bumiyahe sa magkaibang direksyon. Minor injuries lamang ang tinamo ng mga sangkot kaya hindi na sila nagpaospital.

Bandang 2:46 ng hapon, isang tricycle naman ang nawalan ng kontrol at sumemplang. Dinala sa ospital ang drayber matapos magtamo ng sugat sa kanang kilay.

Sumunod na aksidente ay naganap dakong 8:00 ng gabi sa Brgy. Cabaruan kung saan nawalan din ng kontrol ang isang motorista dahil umano sa kalasingan. Minor injuries lamang ang tinamo at hindi na rin nagpaospital.

--Ads--

Isang oras ang lumipas, bandang 9:00 ng gabi, isa pang lasing na drayber ang nasangkot sa aksidente sa Brgy. San Pablo. Muli, minor injuries lamang ang naitala.

Nasundan pa ito dakong 9:50 ng gabi sa insidente ng banggaan ng isang single motor at nakaparadang 4-wheel vehicle. Tumama ang motorsiklo sa sasakyan at nagkaroon ng minor injuries ang drayber, na napag-alamang nakainom rin.

Pinakahuling aksidente ay naiulat dakong 1:13 ng madaling-araw ng Nobyembre 2, sa tapat ng isang fast food sa palengke, kung saan muling nasangkot ang isang motorsiklong minamaneho ng lasing na indibidwal.

Dahil sa sunod-sunod na aksidente, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang pagmamaneho nang nakainom at tiyaking nasa maayos na kondisyon bago bumiyahe upang maiwasan ang anumang sakuna.