--Ads--

Naging payapa at maayos ang paggunita ng Undas 2025 sa lungsod ng Cauayan noong Nobyembre 1 at 2, ayon sa Public Order and Safety Division (POSD). Sa kabuuang pagbabantay ng kanilang hanay, walang naitalang casualty o anumang seryosong insidente sa loob ng dalawang araw ng pagbisita sa mga sementeryo.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, bagama’t naging tahimik ang pagdiriwang, nakapagtala pa rin sila ng ilang paglabag sa ipinapatupad na regulasyon. Kabilang dito ang pagpasok ng mga patalim at nakalalasing na inumin sa loob ng mga sementeryo, bagay na mahigpit na ipinagbabawal.

Kapag may nahuhuli sila na ganoong uri ng paglabag, agad nilang kinukumpiska ang mga dala nilang gamit at nakikipag-coordinate ang kanilang hanay sa PNP para sa tamang turnover ng kaso.

Sa usapin naman ng parking at daloy ng mga sasakyan, naging maayos umano ang sitwasyon maliban sa isang pribadong sementeryo sa Brgy. Tagaran. Ayon sa POSD, nagkaroon ng kaunting pagsisikip ng trapiko dahil iisa lamang ang entrance at exit ng lugar, dahilan upang mahirapan ang pagpasok at paglabas ng mga sasakyan lalo na’t dagsa ang mga dumadalaw.

--Ads--

Mahigpit rin ang pagbabantay ng POSD sa trapiko lalo na noong Nobyembre 1 at 2 kung saan inaasahang tataas ang bilang ng mga biyahero.Nagkaroon na ang kanilang hanay ng indikasyon ng pagwind-up ng traffic dahil karamihan sa mga dumalaw ay nagsipag-uwian na.

Dagdag pa niya, nagdeploy na sila ng pitong personnel bandang alas-6 ng gabi kahapon upang ayusin ang daloy ng trapiko, at muling naglagay ng personnel kaninang alas-4 ng madaling araw para masigurong hindi maging mabigat ang biyahe ng mga motorista.

Sa kabuuan, tiniyak ng POSD na nanatiling ligtas at organisado ang paggunita ng Undas sa Cauayan sa kabila ng ilang paglabag na kanilang natukoy.