Tumaas ang demand at bentahan ng mga bulaklak sa Lungsod ng Cauayan sa paggunita ng Undas, Nobyembre 1 at 2, 2025, kumpara noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Margie Acido, isang florist sa lungsod, nagsimula nang dumagsa ang mga order at reservation noong Oktubre 30 pa lamang, kung saan marami ang nagpa-pick up at delivery ng mga bulaklak para sa pagdalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Base sa tala ng kanilang tindahan, nakapagbenta sila ng mahigit 200 piraso ng bulaklak noong Oktubre 31, umabot naman sa mahigit 700 ang naibenta noong Nobyembre 1 na siyang pinakamasiglang araw, at nasa humigit-kumulang 150 naman ang naibenta kahapon, Nobyembre 2.
Ngayong araw, kaunti na lamang ang bumibili at karamihan ay mga hindi nakabisita noong mismong Undas at ngayon lamang nakapunta sa sementeryo.
Bagama’t may ilang bulaklak ang nasira dahil sariwa ang mga ito, sinabi ni Acido na maliit na bahagi lamang iyon at hindi nakaapekto sa kabuuang benta nila ngayong taon.











