Huli na ang hakbang ng pamahalaan na pagpapalawig sa import ban sa imported na bigas hanggang sa katapusan ng taon.
Ngayong araw kasi ng Lunes, Nobyembre 3 ay ilalabas ang executive order para sa pormalidad ng pagpapalawig ng import suspension.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na layunin ng naturang EO na mapataas ang presyo ng palay sa bansa subalit ngayong buwan ng Nobyembre ay patapos naman na ang anihan kaya iilan na lamang ang makikinabang dito kung sakali.
Aniya, bago pa man naging epektibo ang import ban ay nakapasok na nag maraming imported na bigas sa bansa kaya nakaapekto na ito ng labis sa presyo ng bigas at palay.
Gayunman ay umaasa pa rin si Montemayor na kahit papaano ay matatapatan o mahihigitan ang break-even price na 14-15 pesos per kilo na presyo ng palay sa pamamagitan ng panibagong executive order.
Samantala, mayroon na umanong ibinigay na rekomendasyon ang Kagawaran ng Pagsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itaas ang tariff rates sa imported rice.
Sa ngayon ay pending pa rin ang inihaing petisyon ng mga grupo ng magsasaka kaugnay sa pagtataas ang taripa sa pamamagitan ng safeguard tariffs kung saan hindi dapat ito bababa ng 40%.









