--Ads--

Hindi na ikinabigla ng hanay ng National Public Transport Coalition (NPTC) ang bagong ipapatupad na pagtaas presyo ng petrolyo bukas, Oktubre 4.

Ayon kay Convenor Ariel Lim ng NPTC sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inaasahan na nila ang matinding epekto ng pagbagsak ng halaga ng piso noong nakaraang linggo. Aniya, posibleng muling maitaas ang pamasahe, na tiyak na tatamaan ang mga karaniwang pasahero.

Dagdag pa ni Convenor Lim, wala pa ring konkretong aksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hinihiling ng NPTC na itaas ang pamasahe sa P15, matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Aniya, mapipilitan ang LTFRB na mag-adjust sa pamasahe upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa hanay ng mga tsuper at pasahero, dahil apektado hindi lamang ang mga drayber kundi ang lahat ng mamamayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, nagplaplano ang LTFRB ng isang pagpupulong para sa mga nag-file ng petisyon para sa fare increase sa buong bansa sa lalong madaling panahon.

Sa kabila nito, nasisiyahan ang NPTC dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na makausap ang bagong pamunuan ng LTFRB tungkol sa ganitong mga isyu at mga alegasyon ng korapsyon, upang maiwasan ang mga problema sa hinaharap.

Samantala, humingi rin ng paumanhin ang hanay ng NPTC sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan dahil wala silang magagawa kundi itaas ang pamasahe, bunga ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Ayon sa kanila, hangga’t hindi pinapansin ng gobyerno ang kahilingang itigil ang excise tax, maapetuhan ang lahat gaya na lamang ng pagtaas ng singil sa pamasahe.