--Ads--

13 katao, kabilang ang 8 menor de edad, ang naaresto sa isang matagumpay na anti-illegal drug operation na isinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) katuwang ang Bayombong Police Station sa Barangay Bonfal West.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Maj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng NVPPO, sinabi niyang isinagawa ang operasyon sa bahay ng isang alyas “Limay”, na umano’y nagsisilbing drug den. Dito umano nagtatambay ang ilang menor de edad at dalagita na sangkot din umano sa mga gawaing sekswal.

Ayon kay Aggasid, inimbitahan ng mga suspek ang poseur buyer sa loob ng bahay, kaya nasaksihan nito ang aktwal na sitwasyon sa loob, kung saan nagkalat ang mga drug residue.

Kabilang sa mga naaresto sina alyas Ricky, Roy (37 anyos), Rod (34 anyos), Arjay (18 anyos), at walong menor de edad na edad 13 hanggang 17 anyos, na pawang mga out-of-school youth.

--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad sa lugar ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 3.5 gramo at tinatayang halaga na ₱24,000; 1 pakete ng tuyong dahon ng marijuana na may timbang na 2.5 gramo; ₱2,200 na cash; 8 cellphones; at iba’t ibang drug paraphernalia gaya ng mga sachet, lighter, digital weighing scale, rolled foil, at plastic tube.

Dinala ang mga suspek sa Bayombong Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. Nahaharap sila sa paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, ang mga menor de edad ay nasa kustodiya ng PNP Women and Children Protection Desk at nakatakdang i-turn over sa DSWD para sa kaukulang interbensyon.

Isinailalim din ang mga suspek sa drug test kung saan apat ang nagpositibo, kabilang ang tatlong menor de edad.

Ayon pa kay Aggasid, batay sa panayam, napag-alamang ang mga menor de edad na sangkot ay pawang mga out-of-school youth na humaharap sa mga suliraning pampamilya o nagmula sa mga broken family.

Tiniyak naman niya na kung mapatunayang alam o may kamalayan ang mga menor de edad sa kanilang ginagawa, ay masasampahan din sila ng kaukulang kaso.