Nawasak ang harapan ng isang kotse sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela matapos mabangga ang isang baka na umanoy nakahiga sa daan.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tinatahak ng isang puting kotse ang daan patungong lungsod ng Cauayan sa kahabaan ng Brgy. Tallungan National Highway nang mangyari ang insidente.
Naiwasan nang unang sasakyan na sinusundan ng kotse ang baka ngunit bigong nakailag ang kotse kaya nabunggo ang baka na umanoy nakahiga sa daan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCAPT. Jeremiah Veniegas, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes bukod sa kotse ay nadamay din ang isang pick up truck sa aksidente ngunit mas napuruhan ang unang nabanggit na sasakyan.
Dahil sa nangyari, patay ang baka na tinatayang nasa tatlong taong gulang pa lamang at nawasak ang harapang bahagi ng kotse at hindi na rin makatakbo ito.
Ayon sa PNP, wala pang pinal na desisyon ang panig ng may ari ng baka at panig ng may ari ng kotse kung ano ang gagawin nila hinggil sa nangyari.











