--Ads--

Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry o DTI Region 2 na may mga produkto ngayong nasa ilalim ng price freeze.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Angie Gumaru, ang Head ng Consumer Welfare Division ng DTI Region 2, sinabi niya na pangunahin sa mga produktong sakop nila ay ang canned goods kabilang ang canned fish gaya ng sardinas, processed meat, kape, sabong panlaba, kandila, bottled water, at instant noodles.

Aniya, ang mga nabanggit na produkto ay kasalukuyang nakasailalim sa price freeze kung saan walang magiging paggalaw sa presyo ng nasabing mga produkto.

Ayon kay Atty. Gumaru, ang mga establisyemento o manufacturer na magkakaroon ng pagtaas o pagbabago sa presyo ay tiyak na sasampahan ng kaso.

--Ads--

Paglilinaw niya, ang price freeze ay ipinapatupad kung ang isang lugar ay naisailalim sa state of calamity dahil sa sakuna o kalamidad.

Sa ngayon, binibisita nila ang mga tindahan sa Cagayan na kasalukuyang nasa ilalim ng price freeze dahil sa pananalasa ng Bagyong Nando.

Maliban sa basic commodities, ay wala ring nakikitang malakihang pagbabago sa presyo ng noche buena products. Gayunman, hinihintay pa rin ang ibabang guidelines para sa nabanggit na produkto.

Samantala, tuloy-tuloy ang monitoring nila sa mga Christmas decors para makita kung ang mga nagtitinda ay nakakapag-comply sa ICC at Philippine Standard o PS marks na siyang batayan ng mga consumer na ligtas gamitin ang mga Christmas lights.

Maliban dito, sinusuri na rin nila ang safety ng mga ibinebentang firecrackers o paputok.