Hahanapan na ng Valid Identification Card ang sino mang bibili ng alak at sigarilyo sa lungsod ng Cauayan batay sa pinaiigting na City Ordinance No. 2024-578.
Ang naturang ordinansa ng paghihigpit sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin at sigarilyo ay naglalayon na mailayo ang mga menor de edad sa pagkalulong nito na posibleng mag resulta sa aksidente at kaguluhan.
Tinalakay ito sa naganap na Committee Hearing na pinangunahan ng mga konsehal ng lungsod kasama ang Public Order and Safety Division (POSD), Philippine National Police (PNP), at mga bar owners.
Sa nangyaring hearing, iginiit ni Liga ng mga Barangay President, Victor Dy Jr. na isa sa kadalasang naitatala sa Cauayan ay ang mga kaguluhan at aksidente na sangkot ang mga menor de edad.
Ilan aniya sa mga naitalang aksidente ay nagresulta pa ng pagkasawi habang ang ilan naman ay nagdulot ng malaking pinsala sa mga bar owners.
Dagdag pa niya, dapat na maging mahigpit ang mga establisimyento sa pagbebenta ng alak at dapat na mayroong mga ipapakitang valid ID bago bentahan ang mga bibili.
Samantala, bumubuo naman ng panibagong ordinansa ang City Council upang hindi makapasok sa mga bar ang mga menor de edad kahit na simpleng pag tambay lang ang dahilan.
May mga napapaulat na rin umano na rambolan sa loob na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Hiniling din sa mga bar owners na makipag cooperate sa binubuong ordinansa kung saan ay kailangan nilang magsara bago ang alas-3 ng madaling araw.
Dahil binubuo ang ordinansa kaugnay sa pagbabawal sa mga menor de edad na makapasok sa mga bar, kinakailangan ding aralin ng konseho kung ano ang mga sanction o kaparusahan na ipapataw sa mga lalabag sakaling maisapinal ang ordinansa.











