Kinumpirma ng Isabela Provincial Veterinary Office na positibo sa bird flu ang lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na nitong Oktubre 30 ay dineklara na ng kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka ang pagkakaroon ng bird flu case sa Lalawigan
Kung matatandaan, libu-libong mga manok ang napaulat na namatay sa isang farm sa Santa Luciana, Cauayan City dahilan upang kumuha sila ng samples sa mga pato at itik na nasa paligid ng naturang farm kung saan apat sa mga ito ang nag-positibo sa H5N1 bird flu.
Ayon kay Dr. Sevilla, ang bird flu strain H5N1 ay nakakahawa sa tao sa pamamagitan umano ng inhalation o direct contact sa infected na poultry.
Dahil dito ay kailangan nilang patayin at isailalim sa culling ang lahat ng mga alagang manok, pato, itik, at iba pang poultry na nakapaloob sa 1-kilometer radius mula sa infected area para sa kaligtasan ng publiko.
Umabot aniya sa 28, 930 na manok ang isinailalim sa culling mula sa isang commercial farm sa Santa Luciana, habang 848 na kabuuang bilang ng poultry naman ang nakuha mula sa 21 raisers.
Maaari aniyang naging source ng infection ang mga local migratory bird sa Santa Luciana dahil batay sa kanilang pagbisita sa lugar ay mayroong mga itik at mga ibon sa naturang barangay.
Ang sintomas ng bird flu ay ang pangingitim ng palong, pagdurugo o pamumula ng paa ng manok, at pananamlay.
Kapag nakitaan ng sintomas ang mga alaga ay iwasan itong katayin, bagkus ay i-dispose ng maayos sa pamamagitan ng paghukay ng mahigit 6ft. na lalim upang maiwasang maihawa ang virus.








