Inaasahan ang pagpapalabas ng tubig mula sa Magat Dam ngayong araw bilang bahagi ng mga hakbang ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) upang maiwasan ang pag-apaw ng dam sa posibleng epekto ng Bagyong “Uwan”, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na magkakaroon ng water release sa Magat Dam ngayong araw matapos maitala ang patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig bunsod ng mga pag-ulang dulot ng hanging amihan at epekto ng mga nakaraang weather disturbances.
Ayon kay Engr. Dimoloy, ang naturang pagpapalabas ng tubig ay bahagi ng preemptive water management protocol ng NIA-MARIIS upang mapanatili sa ligtas na antas ang dam at maiwasan ang biglaang pagtaas ng tubig sa reservoir sakaling pumasok at magdulot ng ulan sa Cagayan Valley ang Bagyong “Uwan.”
Dagdag pa niya, bago isagawa ang water release ay ipinaalam na sa mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction offices sa Isabela at Cagayan ang naturang operasyon upang maabisuhan ang mga residente sa mga mababang lugar at sa paligid ng Magat River.
Batay sa pinakahuling ulat ng NIA-MARIIS, nasa 188.74 meters ang antas ng tubig sa Magat Dam kahapon ng hapon, na malapit sa normal high water level na 190 meters. Inaasahan na tataas pa ito sa mga susunod na araw depende sa magiging galaw ng panahon.
Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Bagyong “Uwan,” na posibleng pumasok sa PAR sa mga susunod na araw at magdala ng malalakas na pag-ulan sa hilagang bahagi ng Luzon, kabilang ang Cagayan Valley Region.
Nanawagan ang NIA-MARIIS sa mga mamamayan, lalo na sa mga nasa mababang lugar at malapit sa ilog, na maging alerto at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na awtoridad para sa mga abiso at posibleng preemptive evacuation kung kinakailangan.











