--Ads--

Inihayag ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela na hindi maiiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Cauayan City, dahil ang lungsod ay dinaraanan ng pambansang lansangan o National Highway na konektado sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa Cagayan Valley region.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Police Major Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, na malaking bahagi ng trapikong nararanasan sa Cauayan ay bunga ng mataas na bilang ng mga sasakyang bumabagtas sa lungsod kabilang na ang mga pribadong sasakyan, pampasaherong bus, at mga truck na bumibiyahe patungong Cagayan at iba pang karatig na lugar.

Bagaman tumaas ang volume ng mga sasakyan nitong nakalipas na Undas, walang naitalang seryosong insidente ng carnapping o aksidente sa kalsada sa buong lalawigan nitong nakalipas na Undas. Ayon kay PMaj. Bagayao, ito ay resulta ng mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng kanilang “Oplan Kaligtasan sa Kalsada.”

Dagdag pa rito, pinaghandaan ng HPG Isabela ang posibleng pagdami ng mga insidente ng “stolen while parked” modus na karaniwang nangyayari tuwing may mga malalaking okasyon tulad ng Undas. Naglagay sila ng karagdagang mga tauhan sa mga parking area at matataong lugar upang masiguro ang seguridad ng mga motorista.

--Ads--

Upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa Cauayan City, nakatakdang magsagawa ng joint clearing operations ang HPG Isabela katuwang ang Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan. Layunin ng operasyon na alisin ang mga sagabal sa kalsada gaya ng mga iligal na nakaparada, sidewalk vendors, at mga nakatambak na kagamitan sa gilid ng lansangan.

Kaugnay naman sa reklamo ng mga residente hinggil sa maingay na tambutso ng ilang motorsiklo, inihayag ni PMaj. Bagayao na nakikipag-ugnayan na sila sa Lokal na Pamahalaan ng Cauayan para sa pagbili ng decibel meter, na magsisilbing panukat ng lakas ng tunog ng mga muffler. Sa ganitong paraan, mas magiging sistematiko ang panghuhuli sa mga motorista na lumalabag sa noise regulation.

Nanawagan si PMaj. Bagayao sa lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho, sumunod sa mga batas-trapiko, at iwasan ang pagparada sa mga bawal na lugar. Hinimok din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga lansangan sa lalawigan.