--Ads--

Ipinaliwanag ng isang abogado ang naging batayan sa pagsasampa ng kasong gross negligence matapos masangkot sa iregularidad sa mga flood control projects at budget insertions.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niya na batay sa ebidensya, subalit hindi ito nangangahulugan na ito ang isasampang kaso sa former House Speaker na si Martin Romualdez.

Aniya, kung sakaling may makakalap na ebidensyang direktang nag-uugnay kay Romualdez sa ghost projects at insertions, maaari siyang maging principal accused sa kasong plunder, malversation, at bribery.

Subalit sa ngayon, wala pang mga dokumentong nag-uugnay kay Romualdez sa insertions na naganap sa Bicam report.

--Ads--

Ang tanging lamang aniyang nag-uugnay kay Romualdez ay si Guteza, subalit sa ngayon ay nagkaroon ng problema dahil sa notaryo at sa kasalukuyan ay hindi na mahagilap, kaya naman nagkaroon na ng pagdududa sa kaniyang testimonya.

Ito ay matapos na ihayag ng Ombudsman na maaaring maharap si Romualdez sa kasong gross inexcusable negligence dahil sa umano’y papel nito sa pagtatalaga kay dating Ako Bicol Representative Elizaldy “Zaldy” Co bilang pinuno ng House Appropriations Committee, na ngayo’y inuugnay sa mga umano’y iregularidad sa ilang flood control projects.

Ito ang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa isang press briefing nitong Martes, kung saan sinabi rin niyang kabilang si Romualdez sa ilang opisyal ng pamahalaan na maaaring kaharapin ang parehong reklamo.

Dagdag pa niya, kabilang sa mga rekomendasyon ng imbestigasyon ang pagsasampa ng kaso laban kay Co at kay Romualdez dahil sa umano’y kapabayaan na nagdulot ng pinsala sa gobyerno at sa mamamayang Pilipino.

Ayon pa sa Ombudsman, lumitaw sa pagsusuri ng mga kaso na may pattern ng pakikipag-ugnayan si Co sa ilang senador sa pagbuo ng pinal na bersyon ng pambansang badyet.

Sinabi rin ni Remulla na dapat managot si Romualdez sa pagkakahirang kay Co bilang chairman ng Appropriations Committee, dahil nangyari ito sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects na sinasabing may kaugnayan sa dating kongresista.