Inihayag ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 na posibleng itaas sa Red Alert status ang buong Cagayan Valley Region dahil sa inaasahang pananalasa ng bagyong “Uwan”, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OCD Region 2 Spokesperson Mia Carbonel, sinabi niyang ngayong araw ay magsasagawa ng pre-disaster risk assessment (PDRA) ang kanilang tanggapan, katuwang ang iba’t ibang concerned government agencies. Layunin ng pagpupulong na ito na mapagplanuhan nang maaga ang mga kinakailangang hakbang para sa paghahanda sa pagdating ng naturang bagyo.
Nagpaalala rin ang OCD sa mga lokal na pamahalaan sa Region 2 na tiyaking nakahanda ang kani-kanilang mga disaster response teams, kagamitan, at mga evacuation center.
Inaatasan din ang mga lokal na opisyal na magsagawa ng maagang pagpapalikas sa mga residente ng low-lying at landslide-prone areas, pati na rin ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig at clearing operations sa mga lugar na madalas bahain.
Sa kasalukuyan, nasa Blue Alert status pa ang Operations Center ng OCD Region 2, ngunit inaasahang itataas ito sa Red Alert ngayong araw kapag lumakas pa ang bagyo o pumasok na ito sa PAR.
Inaasahan na ang bagyo ay tatahak patungong Northern o Central Luzon, kung saan maaari itong mag-landfall bago tuluyang humina sa oras na tumama sa kalupaan.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mababang lugar at tabing-dagat, na patuloy na magmonitor sa mga weather bulletin ng PAGASA at sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad upang maiwasan ang anumang sakuna.










