--Ads--

Nadagdagan pa ang mga lugar na apektado ng Avian Influenza o Bird Flu sa lalawigan ng Isabela, ayon sa pinakahuling monitoring ng Department of Agriculture (DA) Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang, Veterinarian III ng DA Region 2, sinabi niyang nagpapatuloy ang kanilang mahigpit na monitoring sa tig-isang barangay ng Cauayan City at Gamu, Isabela matapos makapagtala ng mga kaso ng bird flu sa mga naturang lugar.

Aniya ang kasalukuyang mga kaso ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) ay kontrolado naman at hindi nagdudulot ng agarang banta sa kaligtasan ng pagkain.

Tiniyak din ng ahensiya na ligtas pa ring kainin ang mga produktong manok at itlog mula sa mga monitored at accredited farms, dahil hindi naipapasa ang virus sa maayos na nilutong karne o itlog.

--Ads--

Patuloy naman ang kanilang surveillance at monitoring sa tulong ng mga local government units at iba pang ahensiya upang matiyak ang maagang pagtukoy at mabilis na pagtugon sakaling may pagkalat ng sakit.

Nanatiling mahigpit ang koordinasyon ng DA sa Provincial Veterinary Offices ng Isabela, gayundin sa City Veterinary Office ng Cauayan at Municipal Agriculture Office ng Gamu sa pagpapatupad ng containment, surveillance, at biosecurity measures.

Noong Oktubre 16, kinumpirma ng DA ang presensya ng H5N1 strain ng bird flu sa isang commercial poultry farm sa Gamu.

Agad na isinailalim sa culling o depopulation ang mga apektadong manok bilang bahagi ng containment measures at matapos ang masusing pagsusuri, wala namang karagdagang kaso sa loob ng 1-km radius, kaya idineklara itong resolved.

Samantala, noong Oktubre 28, muling nakumpirma ng DA ang HPAI H5N1 sa isang commercial farm sa Cauayan City.

Agad namang ipinatupad ng farm ang depopulation, cleaning, at disinfection matapos mapansin ang hindi normal na pagkamatay ng mga alaga noong Oktubre 20. Natapos ang paglilinis noong Oktubre 27 at patuloy itong binabantayan ng DA Region 2 at ng lokal na pamahalaan.

Natapos na rin aniya ng City Veterinary Office ang surveillance sa paligid ng apektadong farm kung saan may natukoy pang karagdagang kaso sa mga smallhold duck farms.

Ipapatupad ang mga control measures alinsunod sa Avian Influenza Protection Program Manual of Procedures.

Nanawagan ang DA Region 2 sa lahat ng poultry raisers at stakeholders na agad mag-ulat sa kanilang local veterinary o agriculture offices kapag may napansing hindi normal na pagkamatay o sintomas sa mga alaga, panatilihin ang mahigpit na biosecurity, at makipagtulungan sa mga surveillance at control teams ng pamahalaan.