Kulong ang isang helper matapos hablutin at tangkaing nakawin ang bag ng isang vendor sa isang pribadong pamilihan sa Cauayan City kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Emelie Soriano, 55 anyos, isang vendor at residente ng District 1, Cauayan City. Ang suspek naman ay si alyas “Vin”, 20 anyos, helper, at residente ng Malabon City, Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang nagtulungan ang mga nasa palengke upang habulin ang suspek. Sa kabutihang palad, sakto namang may mga pulis na nagroronda sa lugar kaya’t agad na naaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa ulat, hinablot ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng tatlong passbook, dalawang cellphone, ₱300 cash, charger, at iba pang mahahalagang gamit.
Ipinahayag ni PLtCol. Canceran na nakausap niya mismo ang suspek, na iginiit umanong naiwan siya ng kanyang mga kasamahang nag-deliver kaya kinailangan niyang magkaroon ng pamasahe pabalik ng Maynila.
Sa ngayon, naproseso na ang kasong theft laban sa suspek. Giit ng opisyal, hindi nila palalampasin ang ganitong uri ng krimen upang magsilbing babala sa iba.
Samantala, sinabi rin ni PLtCol. Canceran na hindi ito ang unang insidente ng nakawan sa naturang pamilihan mula nang siya ay maupong hepe. May mga nauna na rin umanong kaso kung saan kasamahan mismo ng mga vendor ang sangkot sa pagnanakaw.
Pinag-iingat ngayon ng pulisya ang mga market goers at vendors, lalo na ngayong papalapit na ang panahon ng Pasko, kung kailan kadalasang tumataas ang mga kaso ng petty crimes.











