--Ads--

Itinaas ng Department of Health o DOH sa Code Blue Alert ang lahat ng regional offices at pasilidad nito sa buong bansa, bilang tugon sa pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng State of National Emergency dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong “Tino.”

Sa ilalim ng Code Blue Alert, lahat ng tanggapan at ospital ng DOH ay nasa heightened alert status upang agad na makapagsagawa ng mga hakbang sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagyo.

Ayon sa DOH, karagdagang health personnel ang ipinadala sa mga evacuation center at temporary health facility sa mga apektadong lugar.

Mga gamot, medical supplies, at mobile response teams ay nakaposisyon na rin upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan.

--Ads--

Aktibo rin ang Operations Center at Health Emergency Management Staff ng DOH para sa mabilis na koordinasyon at pagtugon sa mga emergency response.

Bukod dito, tatlo sa mga Philippine Emergency Medical Assistance Teams o PEMATs ng DOH na kinikilala ng World Health Organization o WHO ay naka-standby na rin.

Ang mga team na ito ay handang magtayo ng temporary hospital tents sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyo.