--Ads--

Nakatanggap ng mga libro ang Cauayan City District Jail (CCDJ) mula sa Schools Division Office (SDO) Cauayan para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na kasalukuyang nag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Inspector Isagani Gayap, Deputy Warden ng CCDJ, sinabi niyang napakalaking tulong ng mga librong ipinagkaloob sa kanila dahil magagamit ito ng mga PDL na nag-aaral at maging ng mga nagnanais pang magpatuloy sa kanilang pag-aaral habang nasa loob ng piitan.

Ayon kay Gayap, ang nasabing donasyon ay bahagi ng programa ng Department of Education (DepEd) na tinatawag na “Lakbay Aklat”, na layuning maghatid ng mga libro sa mga mag-aaral na may limitadong akses sa mga kagamitang pang-edukasyon.

Dagdag pa ng opisyal, malaking tulong ang mga librong ito dahil maraming PDL ang may hangaring matuto at makapagtapos ng pag-aaral, kaya’t ang mga babasahing ito ay magsisilbing inspirasyon at daan tungo sa kanilang patuloy na pagbabago at rehabilitasyon.

--Ads--