Inatasan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang agarang pagpapatalsik kay Police Major Anthony France F. Ramos, isang instruktor sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite, matapos mapatunayang nagkasala ng Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong sexual assault na isinampa ng isang kadete, na nagsabing pinilit siya ni Ramos na isagawa ang isang “sexual act” sa loob ng silid ng opisyal noong Hulyo 31, 2025. Pinagtibay ang paratang sa pamamagitan ng mga sinumpaang salaysay nina PMAJ Jay Zamora at PCPT Mark Daniel Maraquilla, na siyang rumesponde at nakakita sa kadete na balisa.
Sa desisyon ng NAPOLCOM, sinabi nitong inabuso ni Ramos ang kanyang kapangyarihan bilang nakatataas na opisyal upang makamit ang pansariling layunin, na itinuturing na Grave Misconduct sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code (Acts of Lasciviousness). Isa rin itong matinding paglabag sa ethical standard ng akademiya na nagdulot ng kahihiyan sa PNPA at sa buong Philippine National Police (PNP).
Ayon kay NAPOLCOM Chief Commissioner Ralph Calinisan, hindi kailanman kukunsintihin ng NAPOLCOM ang anumang uri ng sexual misconduct sa hanay ng kapulisan, anuman ang ranggo. Ang ginawa ni Major Ramos ay kasuklam-suklam at nararapat lamang na kondenahin at parusahan. Hindi siya karapat-dapat na magsuot ng uniporme ng pulis.”
Dagdag pa ni Calinisan, Si Ramos ay inalis sa serbisyo, at muling pinagtibay ng Komisyon na ang mga gawaing imoral at pag-abuso sa kapangyarihan ay walang puwang sa hanay ng kapulisan.











