--Ads--

Nanatiling naka-Blue Alert Status ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Batanes bilang paghahanda sa paparating na bagyo.

Sa ilalim ng Blue Alert Status, nakahanda ang lahat ng personnel, rescue responders, at kagamitan anumang oras na kailanganin silang rumesponde.

Aktibo rin 24/7 ang kanilang command center.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niyang handa na sila sa anumang sitwasyon batay sa forecast ng PAGASA.

--Ads--

Sa katunayan, noon pang Agosto ay nagsimula na silang maghanda para sa posibleng epekto ng anumang sama ng panahon.

Nag-ikot na rin sila upang tiyaking maayos ang pagkakalagay ng mga trapal sa mga gusali ng pamahalaan, at siniguro na nasa ligtas na lugar ang mga kagamitan ng bawat opisina upang hindi mabasa sakaling umulan nang malakas.

Nakapagsagawa na rin ng Pre-Disaster Assessment ang iba pang mga LDRRMO upang matukoy ang mga kinakailangang paghahanda.

Anumang oras, kung kinakailangan, ay handa silang itaas ang Red Alert Status para sa mas matinding epekto ng bagyo.

Sa ilalim ng Red Alert Status, naka-standby na ang iba’t ibang ahensyang may kaugnayan sa disaster response para sa mabilisang deployment at pagtugon.

Sa ngayon, nakahanda na ang mga evacuation center at naka-preposition na ang mga Family Food Packs sa bawat munisipyo sa Batanes.