Handa nang magsagawa ng preemptive evacuation ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Cauayan sa mga mababang lugar bilang paghahanda sa posibleng pagbaha dulot ng paparating na sama ng panahon.
Ayon kay Michael Cañero, Special Operations Officer II ng CDRRMO, isasagawa ang evacuation simula Linggo sa mga lugar ng East at West Tabacal, pati na sa ilang bahagi ng Poblacion at Tanap, na pawang mga flood-prone areas.
Tiniyak din ni Cañero na may 127 personnel na ide-deploy mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng PNP, BFP, TOG 2, IPMFC, City Engineering Office, POSD, CSWD, CEEMDO, CHO, GSO, at City Veterinary Office para sa evacuation at monitoring operations.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang CDRRMO sa mga barangay at volunteers upang mapabilis ang paglikas at masiguro ang agarang pag-abot ng relief goods at medical assistance sa mga maaapektuhang residente.
Samantala, nagpaalala naman si CDRRM Officer Ronald Viloria sa mga Cauayeño na manatiling alerto at handa sa anumang abiso mula sa lokal na pamahalaan. Ayon sa kanya, mahalagang makinig sa mga opisyal na anunsiyo upang maiwasan ang pagkalito at panic sa oras ng paglikas.
Patuloy na minomonitor ng CDRRMO Cauayan ang mga pangunahing tulay at mabababang lugar sa lungsod upang matukoy agad ang anumang pagtaas ng lebel ng tubig. Nananatiling naka-alerto ang mga response teams para sa agarang rescue at evacuation operations sakaling lumala ang sitwasyon.











