--Ads--

Naghahanda na ang hanay ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) para sa posibleng epekto ng paparating na Bagyong Uwan sa lalawigan.


Ayon kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela PPO, sinabi niya na noon pangi ika-5 ng Nobyembre ay na-activate na ng kanilang tanggapan ang Disaster Incident Management Task Group upang masubaybayan ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng bagyo.


Nagsagawa rin ang kanilang hanay ng emergency meeting na dinaluhan ng mga chief of police, force commander ng Mobile Force Company, at lahat ng provincial staff ng Isabela PPO. Tinalakay sa pagpupulong ang mga hakbang sa seguridad, deployment ng mga uniformed personnel, at mga plano ng kapulisan sa pagtugon sa magiging epekto ng bagyo.


Isinagawa rin ngayong araw ang accounting ng mga personnel at ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) kasama ang kanilang mga kagamitan upang matiyak ang kumpletong bilang at kahandaan ng puwersa. Sinimulan na rin ang deployment ng mga tauhan upang maging handa at naka-preposition bago pa man manalasa ang bagyo.

--Ads--


Naka-full alert na ang buong hanay ng kapulisan, lahat ng pulis aniya ay naka-duty upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad.


Kabilang sa mga binabantayang lugar na maaaring maapektuhan ng pagbaha ay ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Burgos, Reina Mercedes, Luna, Naguilian, at Gamu, lalo na kung magpapakawala ng tubig ang Magat Dam.


Nanawagan ang Isabela PPO sa publiko na sundin ang ipinatutupad na liquor ban at makipagtulungan sa mga awtoridad. Pinayuhan din ang mga residente sa mabababang lugar na sundin ang abiso ng mga opisyal, agad lumikas kung kinakailangan, at siguraduhing ligtas ang kanilang mga tahanan, kagamitan, at alagang hayop.


Inirerekomenda ring i-charge ang mga cellphone at flashlight habang may suplay pa ng kuryente upang may magamit sa oras ng emergency.


Patuloy ang paghahanda ng Isabela Provincial Police Office upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng buong lalawigan sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Uwan.