Nagsagawa ng inspeksyon ang DSWD Region 2 sa mga naka-preposition na food at non-food items (FNFIs) sa regional warehouse ng ahensya sa Brgy. Ugac, Tuguegarao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan, sinabi niya na dinoble nila ang stockpile bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng opisina sa posibleng epekto ng Bagyong Uwan, na inaasahang tatama sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Sinuri ng tanggapan ang laman ng Family Food Packs (FFPs), na binubuo ng anim na kilo ng bigas, limang sachet ng chocomalt at instant coffee, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, at dalawang lata ng sardinas, upang matiyak na nasa maayos na kondisyon at kumpleto ang bawat pack bago ito maipamahagi sa mga maapektuhang pamilya.
Sa kasalukuyan, may 147,515 FFPs na ang nakahanda, habang 17,447 non-food items tulad ng hygiene kits, family clothing kits, sleeping kits, at kitchen kits ang naka-preposition sa mga warehouse ng ahensya.
Tiniyak ng DSWD Region 2 na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang mabilis na paghahatid ng tulong sakaling kailanganin.











