Nanatiling passable ang mga kalsada papasok at palabas ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya kasabay ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Kasalukuyang nasa ilalim na ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 ang Alfonso Castañeda, Dupax del Sur, at Dupax del Norte, ngunit hindi pa ramdam ang matinding hagupit ng bagyo maliban sa pabugso-bugsong pag-ulan at malakas na hangin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Jose Gambito, sinabi niyang nagsagawa na sila ng pre-emptive evacuation sa 190 pamilya o higit 600 katao mula sa mga high-risk at flood-prone areas.
Hinihikayat ang mga Novo Vizcayano na nakatira sa mababang lugar na maaaring bahain o magkaroon ng pagguho ng lupa na lumikas na at magtungo sa mga eskwelahan na binuksan bilang evacuation centers, kung saan nakaantabay na ang mga family food packs at kits.
Sa ngayon, naka pre-positioned na ang mga heavy equipment sa mga kalsada ng National Highway na dinadaanan ng mga motorista, upang agad makapagtala at makaresponde sa posibleng landslides.
Katuwang ng Provincial Government ng Nueva Vizcaya ang PNP, militar, at iba pang ahensya sa pagbabantay sa lagay ng panahon.











