Libo-libong residente ang sapilitang inilikas mula sa 189 barangay sa Lambak ng Cagayan dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay Information Officer Mia Carbonel ng OCD Region 2, umabot sa 2,697 pamilya o 7,993 katao ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation. Pinakamataas ang bilang naitala sa Isabela, partikular sa coastal municipality ng Palanan.
Inaasahan ng OCD Region 2 na madaragdagan pa ang bilang ng mga apektadong barangay, na sa kasalukuyan ay nasa 66 barangay na may 966 pamilya o 2,652 katao.
Dagdag pa ni Carbonel, bagamat nagsagawa ng pre-emptive evacuation, wala umanong naitalang mga residente na tumangging lumikas mula sa mga natukoy na high-risk areas.
Samantala, cancelled na ang lahat ng flights sa mga pangunahing paliparan sa Tuguegarao City, Cauayan City, at sa lalawigan ng Batanes bunsod ng masamang panahon.











