Nag-iwan ng matinding pinsala ang Bagyong ‘Uwan’ sa lungsod ng Ilagan, Isabela matapos ang pananalasa nito kagabi, Nobyembre 9.
Maraming punong kahoy ang natumba, ilang kalsada ang hindi madaanan, at libo-libong residente ang lumikas sa mga evacuation center para sa kanilang kaligtasan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Paul Bacungan, City Public Information Officer ng Ilagan, sinabi nitong umabot sa 781 pamilya o 2,565 katao ang lumikas sa mga evacuation center sa poblacion area. Samantala, sa mga outside evacuees, may 693 pamilya o 2,286 katao ang apektado.
Ayon pa kay Bacungan, kabilang sa mga na-isolate na lugar ang Sitio Bating sa Barangay Namnama na may 55 pamilya o 180 katao na lumikas, Sitio Latto sa Barangay Salindingan na may 60 pamilya o 300 katao, at Cabisera 25 na may 437 pamilya na apektado.
Dagdag pa ng opisyal, pangunahing tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang mga lansangan na puno ng debris at mga natumbang puno na nagdulot ng pagkaantala sa daloy ng trapiko. Nananatili pa rin sa mga evacuation center ang karamihan sa mga evacuees, habang ang mga outside evacuees na hindi gaanong napinsala ang kanilang mga tahanan ay nakabalik na sa kani-kanilang lugar.
Samantala, maaga namang naglibot si Mayor Jose Marie Diaz ng lungsod upang personal na tingnan ang mga pinsala, partikular sa sektor ng agrikultura.
Ayon pa kay Bacungan, impassable o hindi madaanan ang dalawang overflow bridges sa mga barangay Baculod at Sta. Maria dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog.
Patuloy naman ang isinasagawang clearing at assessment operations ng lokal na pamahalaan upang maibalik ang normal na daloy ng kuryente, trapiko, at kabuhayan ng mga residente.
--Ads--











