--Ads--

Nagsagawa ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Barangay Bagong Sikat sa San Mateo, Isabela matapos umabot sa kritikal na lebel ang tubig sa Magat River bunsod ng pagbubukas ng pitong spillway gates ng Magat Dam na pinangangasiwaan ng NIA-MARIIS.

Sapilitang inilikas ang mga residenteng naninirahan malapit sa gilid ng ilog upang maiwasan ang posibleng panganib dulot ng biglaang pagtaas ng tubig.

Bilang bahagi ng mga hakbang pangkaligtasan, pansamantalang binuksan ang bagong gawang Bagong Sikat–San Roque Bridge upang magsilbing alternatibong daanan para sa mga motorista at evacuees.

Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga mangingisda na iwasan muna ang pangingisda o paglapit sa ilog habang nananatili sa kritikal na lebel ang tubig. Gayundin, hinikayat ang mga nag-aalaga ng hayop na ilikas ang kanilang mga alagang baka at kalabaw na nakapastol malapit sa Magat River upang maiwasan ang disgrasya.

--Ads--