Tatlong menor de edad ang naitalang nasawi habang apat ang nasugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay kasabay ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alvin Ayson, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, sinabi niyang kabilang sa mga nasawi ang dalawang limang taong gulang na kambal. Tatlo naman ang sugatan matapos matabunan ang kanilang bahay sa Sitio Poblacion, Barangay Balangabang, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Ayon sa Kayapa Police Station, naitala ang landslide kaninang alas-2:30 ng madaling araw habang natutulog ang mga biktima kasama ang kanilang mga magulang at isa pang kapatid. Bigla na lamang silang natabunan ng gumuhong lupa.
Sinubukan pang iligtas ng ama ang dalawang kambal, katuwang ang kanilang mga kapitbahay, at agad silang dinala sa pinakamalapit na pagamutan. Gayunman, idineklara nang dead on arrival ang mga biktima.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang mag-asawa at isa nilang anak, habang iniuwi na sa kanilang barangay ang labi ng kambal.
Sa hiwalay na insidente, nasawi rin ang isang sampung taong gulang na Grade 5 student, habang isang 12 taong gulang na Grade 6 student ang nasugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Kasibu, Nueva Vizcaya.











