--Ads--

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng validation ang Department of Education para sa mga pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan sa mga paaralan sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Benjamin Paragas ng DepEd Region 2, sinabi niya na karamihan sa mga eskwelahan na nasasakupan ng DepEd Region 2 ay magbubukas na ngayong araw, partikular sa lalawigan ng Isabela, Cagayan, at Batanes. Gayunpaman, hindi kabilang dito ang mga eskwelahan na lubog pa rin sa tubig-baha.

Kanselado rin ang face-to-face classes sa mga paaralan na sakop ng Tuguegarao City dahil sa matinding pagbaha, habang wala ring face-to-face classes ngayong araw sa Cauayan City dahil sa ibinabang Executive Order ni Mayor Jaycee Dy. Samantala, ang mga hindi apektadong lugar sa Ilagan ay may klase, gayundin sa Santiago City.

Naatasan na rin ang mga Schools Superintendent na tiyakin na tuloy-tuloy pa rin ang pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Delivery Materials gaya ng modules, activity sheets, at aklat.

--Ads--

Paalala naman ni Regional Director Paragas, sa mga pagkakataong walang class cancellation, ang pagpapasya ay hawak ng chief executive o ng mismong School Superintendent, lalo na kung malalagay sa peligro ang buhay ng mga mag-aaral.

Activated na rin ngayon ang DRRM focal persons at DepEd engineers para magsagawa ng validation sa mga pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan sa mga eskwelahan.

Umaasa ang DepEd Region 2 na magpapatuloy ang maayos na lagay ng panahon upang humupa na ang baha at makabalik na sa normal na operasyon ang mga eskwelahan.