Isang pulis ang nasawi matapos barilin ng kanyang kasamahan sa kanilang istasyon noong Lunes ng gabi sa Bangued, Abra.
Ayon sa ulat ng Bangued Municipal Police Station, naganap ang pamamaril dakong alas-8:45 ng gabi sa tanggapan ng Provincial EOD (Explosive Ordnance Disposal) at Canine Unit (PECU) sa Casamata Hill, Zone 5, Bangued.
Batay sa paunang imbestigasyon, kakarating lamang ni PSSg O’Neal Ryan Calica sa opisina at kasalukuyang nagsisipilyo nang lumabas si PLT Jamieson Bulatao na siyang Officer-in-Charge ng PECU-Abra mula sa kanyang silid, niload ang kanyang baril, at binaril si Calica ng apat na beses sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Matapos nito, tinutukan ni Bulatao ang isa pang pulis na si PSMS Edwin Bandoc at nagpaputok ngunit hindi tumama. Gumanti ng putok si Bandoc at tinamaan si Bulatao sa dibdib.
Agad na isinugod sina Calica at Bulatao sa Seares Memorial Hospital ngunit idineklara silang dead on arrival.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Abra Provincial Police Office para sa motibo sa pamamaril.











