--Ads--

Patuloy ang isinasagawang paghahanap ng mga awtoridad at volunteers sa Brgy. Western Uma, Lubuagan, Kalinga, sa bangkay ng isa sa apat na kataong natabunan ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon “Uwan” noong Nobyembre 10, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ruff Manganip, Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niyang una nang natagpuan ang tatlo sa mga biktima, at ang hindi pa rin nahahanap ay ang bangkay ni Kagawad Redento Tinio.

Ayon kay PCpt. Manganip, bago naganap ang insidente, sampung katao ang nagtungo sa isang bahay na dati nang natabunan ng lupa upang kunin ang ilang gamit, nang muling magkaroon ng pagguho. Anim sa kanila ang nakaligtas, habang apat naman ang na-trap sa ilalim ng gumuhong lupa at debris.

Bilang pag-iingat, humiling ang Kapitan ng Barangay Western Uma at ang Lokal na Pamahalaan ng Lubuagan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na maglagay ng river watch sakaling tangayin ng agos ang katawan ng kagawad.

--Ads--

Dahil mahirap ang paghahanap sa lugar kapag gabi bunsod ng mga debris, magpapatuloy ang operasyon ngayong araw.

Kinailangan ding maglakad ng mga rescuers at volunteers patungo sa lugar dahil sa mga landslide sa daan.

Patuloy naman ang pagdadala ng relief goods, pangunahin na ang inuming tubig at pagkain, sa mga na-isolate na lugar sa Kalinga sa pamamagitan ng airlift operation katuwang ang Tactical Operations Group (TOG) 2 ng Philippine Air Force.