--Ads--

Sa panahon ng sunod-sunod na kalamidad, muling umigting ang panawagan para sa reporma sa Philippine Crop Insurance System, isang panawagang makatuwiran at napapanahon. Tulad ng binigyang-diin ni House Committee on Agriculture and Food Chairperson at Quezon 1st District Representative Mark Enverga, kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi napapabayaan ang mga magsasaka at mangingisda na siyang tunay na sandigan ng ating ekonomiya.

Taun-taon, nilalampaso ng bagyo, tagtuyot, at iba pang sakuna ang kabuhayan ng ating mga nagbubungkal ng lupa at nangingisda sa karagatan.

Sa kabila nito, marami pa rin sa kanila ang hindi sapat ang proteksiyong natatanggap mula sa kasalukuyang crop insurance system. Kung hindi mabibigyan ng agarang solusyon ang kakulangan sa tulong at seguridad, posibleng mawalan ng gana ang mga nasa sektor ng agrikultura, isang panganib na direktang tatama sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Isa sa mga inihahaing solusyon ay ang weather-based index crop insurance system, kung saan awtomatikong makatatanggap ng kabayaran ang mga magsasaka batay sa tindi ng pinsalang dulot ng masamang panahon. Isang makabagong mekanismo ito na maaaring magpabilis ng proseso ng ayuda at magpababa ng panganib ng pagkaantala sa tulong.

--Ads--

Ngunit higit pa rito, kailangan ding tiyakin ng pamahalaan na sapat ang pondo, impormasyon, at edukasyon para sa mga benepisyaryo. Maraming magsasaka at mangingisda ang hindi pa rin lubos na nakakaunawa sa mga benepisyo ng crop insurance. Dapat silang mabigyan ng malinaw na kaalaman kung paano ito makatutulong sa kanilang kabuhayan.

Bukod dito, kailangang palakasin ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak na mabilis na makararating ang tulong sa mga apektado. Hindi sapat ang mga polisiya kung kulang sa implementasyon at koordinasyon sa mga rehiyon.

Panahon na upang gawing mas episyente, makatao, at makabagong ang sistemang nagpoprotekta sa ating mga bayani sa bukid at dagat. Ang repormang ito ay hindi lamang tungkol sa insurance, ito ay tungkol sa katarungan, katatagan, at kinabukasan ng agrikultura sa Pilipinas.

Sa huli, dapat tandaan ng pamahalaan at ng sambayanan na kung hindi aalagaan ang mga nagtatanim at nangingisda, sino pa ang magtitiyak na may pagkain sa ating mga hapag? Ang tunay na reporma ay ang pagbibigay ng seguridad at dignidad sa mga taong bumubuhay sa ating bayan.