Muling nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga nararapat na paghahanda bago magdonate ng dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PRC Isabela Officer-in-Charge Mark Oliver Alimuc, sinabi niyang mahalaga ang tamang paghahanda bago ang pagdodonate ng dugo.
Kabilang sa mga dapat gawin ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog, hindi pag-inom ng alak sa loob ng 24 oras, pagkain ng maayos, pag-inom ng tubig, at pagkakaroon ng timbang na hindi bababa sa 50 kilograms.
Maari ring magdonate ang mga nasa edad 16 hanggang 65.
Hindi naman pinahihintulutan ang mga may sakit gaya ng ubo, sipon, lagnat, mga sumailalim sa operasyon, mga donor na kamakailan lang nagpa-tattoo, at mga edad 15 pababa.
Ani Alimuc, napakahalaga ng blood donation hindi lamang para sa mga nangangailangan kundi maging sa mga mismong donor.
Isa sa mga benepisyo nito ay ang maagang pagtukoy kung may mga underlying conditions ang donor na hindi niya alam. Kapag may natuklasan sa screening, agad itong ipinaaalam ng PRC staff sa donor.
Lahat ng dugo na naidonate ay sumasailalim sa masusing blood screening.
Bukod dito, gumaganda ang sirkulasyon ng dugo sa bawat donation at natutulungan ang bone marrow na makapag-produce ng bagong dugo.
Sa ngayon, may sapat na supply ng dugo ang PRC, ngunit kailangan pa ring paghandaan ang paparating na lean month sa buwan ng Enero.











