--Ads--

Dismayado ang grupo ng mga magsasaka sa tila walang pagbabago sa taripa ng bigas, sa kabila ng nakaambang pagpapatupad ng calibrated tariffs sa susunod na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niyang walang makabuluhang pagbabago at tila napabayaan na ang hinaing ng mga magsasaka, lalo na’t patuloy ang pagbagsak ng presyo ng palay bunsod ng mababang taripa.

Sa kasalukuyan, humaharap ang mga magsasaka sa problema ng over-importation ng bigas, na nagdudulot ng patuloy na pagbaba ng presyo ng palay.

Bilang tugon, itinakda ng pamahalaan ang rice import ban na ilang ulit nang pinalawig hanggang sa pagtatapos ng taon, sa pag-asang matutulungan nito ang mga lokal na magsasaka.

--Ads--

Simula Enero 1 ng susunod na taon, ipatutupad ang pagbabago sa taripa sa ilalim ng calibrated tariff rates, na ibabatay umano sa presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa pamahalaan, layunin ng calibrated tariff rates na ma-stabilize ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbabawas o pagdagdag ng taripa depende sa galaw ng presyo sa global market.

Giit ni Montemayor, dahil walang tunay na pagbabago, walang ginhawang mararamdaman ang mga magsasaka, pati na rin ang mga consumer na hindi makikinabang sa pagbaba ng presyo ng bigas. Ito ay magreresulta sa patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka.

Batay sa kanilang datos, umaabot na sa ₱24,000 ang pagkalugi ng isang magsasaka sa isang ektarya ng taniman, habang ₱48,000 kada taon.

Dahil sa bagong development sa taripa, inaasahan na muling maghahain ng petisyon ang kanilang grupo upang humiling ng temporary restraining order at mapigilan ang pagpapatupad ng bagong kautusan.