Nauwi sa madugong pamamaril ang alitan ng dalawang pulis sa loob ng Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) sa Bangued, Abra, matapos umanong ireklamo ng isa ang kanyang kasamahan sa regional office dahil sa pagpasok sa trabaho nang lasing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Connie Balido ng Abra Police Provincial Office, sinabi niyang ang suspek, isang police lieutenant, ay pinaghihinalaang nagtanim ng galit sa biktima, isang police staff sergeant, matapos umano siyang isumbong sa regional authorities dahil sa pagpasok sa trabaho habang lasing.
Ayon kay Balido, ito ang maaring naging ugat ng alitan sa pagitan ng dalawa na humantong sa pamamaril sa loob mismo ng kanilang opisina noong Nobyembre 10, 2025.
Batay sa imbestigasyon, nagsesepilyo umano ng ngipin ang staff sergeant nang bigla siyang barilin ng police lieutenant ng apat na beses.
Narinig naman ng isang police senior master sergeant ang mga putok at agad na nagtungo sa lugar, ngunit maging siya ay pinaputukan ng lieutenant. Gumanti naman siya ng putok at tinamaan ang suspek.
Agad na dinala sa ospital ang staff sergeant at ang police lieutenant, ngunit parehong idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.
Samantala, ang senior master sergeant na bumaril sa suspek ay kusang sumuko sa mga awtoridad matapos ang insidente.
Sinuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang lugar ng krimen at nakarekober ng mga service firearms ng mga nasawing pulis, kasama ang apat na basyo ng bala mula sa caliber .45 pistol at dalawang basyo ng bala mula sa caliber 9mm pistol.
Sa kasalukuyan, ang senior master sergeant ay nasa kustodiya na ng Bangued Police Station habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang detalye at tunay na motibo ng insidente.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), mahaharap sa kasong homicide ang suspek habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.











