Isinagawa ang kauna-unahang Mental Health and Psychosocial Assessment para sa mga Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) workers ng Lungsod ng Cauayan.
Ito ay bilang bahagi ng programang naglalayong tiyakin ang kabuuang kalusugan at kapakanan ng mga rescuers na araw-araw ay nakaharap sa panganib at mga trahedya.
Pinangunahan ni CDRRM Officer Ronald Viloria, ang naturang aktibidad na layuning suriin ang kalagayan ng kaisipan at emosyon ng mga rescuer matapos ang sunod-sunod na insidente at operasyon sa sakuna.
Nilalayon ng pagsusuri na matukoy kung may mga negatibong epekto na sa mga DRRM personnel ang paulit-ulit na pagharap sa mga traumatic incident.
Ayon kay Viloria, ang mga rescuer ay madalas na na-e-expose sa mga sitwasyong hindi madaling kalimutan, mula sa mga aksidente sa kalsada hanggang sa mga trahedyang dulot ng kalamidad.
Tinutugunan din ng programang ito ang mga epekto ng pagod at stress na dulot ng kakulangan sa oras kasama ang pamilya sa panahon ng mga operasyon.
Susundan ang naturang assessment ng mga indibidwal na konsultasyon sa mga psychologist upang mabigyan ng agarang tulong ang mga manggagawang nangangailangan.
Dagdag pa ni Viloria, isa sa mga pangunahing layunin ng proyekto ay mapanatili ang motibasyon at kahandaan ng bawat rescuer sa kabila ng mabigat na responsibilidad na kanilang ginagampanan.
Ipinamalas ng aktibidad na ito ang mas malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng mental resilience ng mga rescuer, mga modernong bayani na walang takot na humaharap sa panganib upang makapagsalba ng buhay.
VIA BOMBO HAROLD APOLONIO











