--Ads--

Isang 47-anyos na driver ang natagpuang patay sa Purok 1, Barangay San Fermin, Cauayan City nitong Huwebes, Nobyembre 13, 2025. Kinilala ang biktima na si alyas ‘Romel’, may asawa at residente ng Barangay Catalina, Cauayan City.

Bandang alas-3:30 ng hapon nadiskubre ang bangkay ng biktima sa dead-end portion ng Villa Juliana Subdivision, malapit sa isang creek.

Ayon sa imbestigasyon, natagpuan si alyas Romel na nakahandusay sa lupa at malapit sa minamaneho niyang tricycle.

Sa salaysay ng kaibigan nitong si alyas ‘Juan’, 46, isang magsasaka mula Barangay Marabulig I, inimbitahan umano niya ang biktima sa kanilang bahay noong gabi ng Nobyembre 12 para uminom.

Dakong alas-10 ng gabi, matapos makainom ng ilang bote ng alak, umalis ang biktima sakay ng kanyang tricycle.

Pinaniniwalaang dahil sa sobrang kalasingan at hindi pagiging pamilyar sa lugar, nawalan ng kontrol ang biktima at bumangga sa dead-end ng subdivision, dahilan upang mahulog ito sa creek.

Sa pagsusuri ng Cauayan City Forensic Unit, natagpuan ang bangkay na matigas na, at buo pa ang mga personal na gamit. Napansin din na bahagyang nakababa ang pantalon ng biktima, na posibleng indikasyon na umihi ito sa gilid ng creek bago aksidenteng mahulog.

--Ads--

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang tuluyang matukoy ang opisyal na sanhi ng pagkamatay ng biktima.