Ilan pang mga personalidad o mga opisyal ng gobyerno ang idiniin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa maanomalyang flood control projects.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa katiwalian sa nasabing proyekto, binanggit ni Bernardo sa kanyang second supplemental affidavit sina dating Senator Grace Poe, dating senador at Education Secretary Sonny Angara, dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral at dating DPWH Sec. Manuel Bonoan na may kaugnayan sa isyu ng flood control projects.
Sinabi ni Bernardo na 20 percent ang commitment o kickback mula sa proyekto na ibinigay kay Poe sa ilalim ng 2025 national expenditure program at ito ay nag-appear din sa 2025 General Appropriations Act (GAA) kung saan isang contractor na Mrs. Patron ang kumolekta ng komisyon para sa senadora.
Binanggit ni Bernardo na si Usec. Trygve Olaivar na staff din ni Angara sa Senado ang kanyang ka-transaksyon mula 2019-2024 at ang usec. ang tumatanggap ng deliveries para kay Angara na 12% ng halaga ng mga proyekto.
Si Cabral naman aniya kasama si Bonoan ang magkasabwat sa pagbawas, pagdagdag at paglalagay ng mga listahan ng proyekto sa National Expenditure Program (NEP) para sa mga government projects.
Tumanggap aniya si Cabral ng 25% na komisyon at personal na inihahatid ni Bernardo ang kickback sa bahay ni Cabral sa Tatalon, Quezon City.
Si Bonoan aniya ang nagbibigay naman sa kanya ng direktiba na magsumite ng listahan para sa mga proyekto para sa 2023 hanggang 2025 budget at inaatasan rin siya ng dating kalihim na makipag-usap sa mga mambabatas para sa mga isisingit na mga proyekto at ito ay ipo-forward kay Cabral.
Aabot sa P5 billion kada taon o mula 2023, 2024 at 2025 ang halaga ng mga proyekto na ibinibigay kay Bonoan kung saan 15 percent ang average commitment o kickback na ibinibigay sa kalihim.
Nanindigan si Bernardo sa kanyang sinumpaang salaysay na pawang katotohanan ang kanyang mga binanggit dito.











