Patuloy na tinutugis ng mga kapulisan ang salarin sa pamamaril-patay sa isang Pulis na naka-base sa San Agustin Police Station.
Kung matatandaan, nitong Sabado Nobyembre 15 ay nasawi ang naturang pulis na residente ng San Marcos, San Mateo, Isabela sa bayan ng Ramon, Isabela matapos umanong barilin ng hindi pa natutukoy na salarin sa Bugallon Proper, Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, sinabi niya na nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Hinikayat naman niya ang sinumang may impormasyon hinggil sa pangyayari na makipag-tulungan lamang sa kanilang hanay at titiyakin ng mga ito ang kanilang kaligtasan.
Samantala, personal namang nagtungo si PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office sa burol ng biktima at nagpaabot ng tulong pinansiyal sa naiwan nitong pamilya.











