--Ads--

Pinasisigla ng Schools Division Office (SDO) Cauayan ang mga programa para sa kabataang may talento sa agham at teknolohiya bilang paghahanda sa nalalapit na Regional Science and Technology Fair na gaganapin mula Nobyembre 25 hanggang 28, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gemma Balla, Information Officer ng SDO Cauayan, inaasahang magiging sentro ng inobasyon ang lungsod habang tinatanggap nito ang siyam na divisions mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon na lalahok sa iba’t ibang kompetisyon.

Kabilang sa mga tampok na patimpalak ang Science Innovation Expo, Mathematics and Computational Science, Robotics and Intelligent Machines, at iba pang kategoryang magtatanghal ng husay at talento ng mga kabataan.

Bago makarating sa regional level, dumaan na ang mga kalahok na estudyante sa school-based competitions upang matiyak na pinakamahuhusay ang magrerepresenta sa SDO Cauayan.

--Ads--

Tinututukan ng division ang paghahanda upang matulungan ang mga kalahok na maipakita ang kanilang kakayahan sa mas malaking entablado.

Binibigyang-diin ng Balla na mahalaga ang nasabing aktibidad sa pagpapalawak ng kaalaman at paghubog ng kasanayan ng kabataan pagdating sa siyensya, teknolohiya, inobasyon, at matematika.

Higit pa rito, nagiging daan ang fair upang mailantad ang mga malikhaing ideya at proyektong maaaring makatulong sa komunidad at sa hinaharap na mga industriyang nakabatay sa STEM.

Samantala, ipinahayag pa ng SDO Cauayan sa panayam na nakikita nila ang malaking papel ng ganitong mga aktibidad sa pagbibigay-inspirasyon at motibasyon sa mga kabataan.

Inaasahang lalong hihikayat ang fair sa mas maraming mag-aaral na paunlarin ang kanilang galing at interes sa larangan ng agham at teknolohiya.