Itinakda ng Nueva Vizcaya Electric Cooperative (NUVELCO) ang full power restoration sa lalawigan sa Disyembre 12, 2025 matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan. Ayon kay General Manager Fredel Salvador, posible itong matapos mas maaga, bagama’t may ilang lugar pang hindi madaanan dahil sa pinsala.
Sa ulat ng NUVELCO, 19,000 poste ang naapektuhan mula sa kabuuang 20,896, kung saan marami ang natumba o nasira. Nasa 2,354 poste na ang na-inspeksyon at 177 field personnel ang kasalukuyang nagtatrabaho para sa restoration.
Hanggang nitong Nobyembre 16, nasa 45.87% na ng kuryente ang naibalik sa 109 barangay, at higit 111,409 households ang mayroon nang supply.
Humingi naman ng pasensya at pang-unawa si Salvador, habang pinupuri ang Task Force mula sa iba’t ibang electric cooperatives na tumutulong sa mabilisang pagpapanumbalik ng kuryente sa probinsiya.











