--Ads--

Plano ng Department of Agriculture Region 2 na bumuo ng isang mobile application na tutulong sa mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga wet goods.

Ang naturang application na tatawaging “AniLink” ay tugon sa kakulangan ng market access para sa mga produktong agrikultura na naglalayong tulungan ang mga magsasaka pangunahin na ang mga kasapi ng Farmers’ Cooperative Associations na direktang maibenta ang kanilang mga wet goods sa mas malawak na merkado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bryan Rasalan, Information Systems Analyst II ng DA RFO 02, sinabi niya na nasa information gathering stage pa lamang ang proyekto subalit inaasahang magpupulong sa Cauayan City ang iba’t ibang stakeholders tulad ng City Agriculture Office, Agri-business and Marketing Assistance Division (AMAD), tatlong kinatawan mula sa consumer sector, DICT, Farmers Cooperative Associations, at DOST para pag-usapan ang proyekto.

Paliwanag ni Rasalan, mahalagang mapakinggan ang lahat ng sektor upang matiyak na magiging epektibo at kapaki-pakinabang ang AniLink lalo na para sa mga magsasakang hirap magbenta ng kanilang produkto dahil sa limitadong access sa merkado.

--Ads--

Bagama’t pangunahing layunin ng app ang pagproseso at pagbebenta ng wet goods, nilinaw ni Rasalan na bukas din ang DA Region 2 sa posibilidad na i-expand ang AniLink upang tanggapin pati ang mga processed goods sa hinaharap.

Inaasahang makatutulong ang AniLink sa pagpapalakas ng agribusiness sector sa rehiyon sa pamamagitan ng mas modernong sistema ng pagbebenta, mas malawak na market reach, at mas patas na kita para sa mga lokal na magsasaka.