--Ads--

Pormal nang binuksan sa publiko ang pop-up exhibit na tampok ang 15 naging Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa Student Hall ng Isabela State University–Cauayan Campus (ISU-Cauayan).

Inumpisahan ang programa sa ribbon cutting ceremony bandang 10:30 ng umaga, na sinundan ng guided tour kung saan ipinakilala sa mga bisita ang bawat Pangalawang Pangulo, kasama ang kanilang mahahalagang kontribusyon sa bansa sa kani-kaniyang panahon ng panunungkulan.

Bilang bahagi ng programa, itinampok din ang highlight video ng 90th Anniversary Celebration ng Office of the Vice President (OVP) na ginanap sa Shangri-La Hotel sa Makati City. Pinatugtog rin ang opisyal na hymn ng OVP, na nagbigay ng mas makabuluhang pagdiriwang sa naturang exhibit.

Ayon sa organizers, magtatagal ang exhibit sa ISU-Cauayan hanggang Nobyembre 30, kaya’t bukas ito sa mga estudyante, guro, at maging sa mga residente ng lungsod na nais mas kilalanin ang mga personalidad na humawak sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ruth Castelo, Spokesperson ng Office of the Vice President, na patuloy ang pag-oorganisa ng OVP ng mga programang naglalayong makatulong sa mga Pilipino. Dagdag pa niya, ang mga ganitong aktibidad ay bahagi ng kanilang layuning palawakin ang kamalayan ng publiko sa kasaysayan at mandato ng tanggapan.

Patuloy namang inaasahang dadagsain ang exhibit habang papalapit ang pagtatapos ng buwan.