Walang nilalabag na batas sa lansangan ang paggamit ng isang police station ng luxury car o muscle car, ayon sa pahayag ng Land Transportation Office (LTO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO Cauayan District Head Deo Salud, kinumpirma niya ito matapos ang ilang katanungan ng mga netizen online kung pinapayagan ba ng LTO ang paggamit ng ganitong klase ng sasakyan ng PNP.
Ayon sa hepe, wala sa batas na nagsasabing bawal para sa isang police station ang magkaroon ng ganitong uri ng sasakyan. Aniya, hangga’t kaya namang tustusan ang maintenance at gasolina nito, ay wala namang nagiging problema.
Isa sa tinalakay ng hepe ay ang pagiging magastos nito sa gasolina. Aniya, karamihan sa mga sports o muscle car ay kumokonsumo ng napakaraming gasolina tuwing tumatakbo, bagay na hindi praktikal o hindi akma para sa mga uniformed personnel, lalo na’t lagi silang nasa lansangan.










